Bibig na nakatikom
Wala namang busal
Nagpipigil
Nanggigigil
Susuka ng mga ugong
Masangsang na mga salita
Lahat ipupukol
Sentro sa gitna
Sa diwa ng pagkatao

Pero bibig ay tikom
Walang busal
Walang takip
May boses
Hindi marinig
Dahil bibig ay tikom
Bawat letrang niluwal ay sukat
Sa itinurong tama at dapat

© Kristel Rose and http://www.kristelrose.wordpress.com, 2017.

Ulan: Isang Pag-ibig na Hindi Matanggap

tumblr_nb7zpxnkwL1rkyrm9o1_500

Isa sa mga pinaka hindi ko gusto
Ang panahon ng tag-ulan
May malakas na hangin
Maitim na langit
Basang sapatos
Bumabalikwas na payong
Ayaw ko ng tag-ulan

Hindi ko man gusto ang ulan
Mas maraming ala-ala ang kanyang kalakip
Isang komedya ng kabalintunaan
Na ‘di ko kailanman lubusang ninais
Ala-ala ng makulimlim na paligid
Anino ng kanyang maiitim na mga ulap
Maliliit na butil ng tubig
Kapag tumama sa ulo’y nagiging batong matulis
Maglalakad sa malamig na baha
Mula sa lawang ibinuhos sa itaas

Kapag tag-ulan, ako’y laging balot
Ng init ng makapag na balabal
Pati na rin ng takot
At ng pagod
Pagkat sa piling ng ulan ako’y laging nakatingala
Nakatingin sa kisame at nagaabang ng mahuhulog
May tabong hawak-hawak, pansalo sa bawat patak
Susulyap rin sa bawat sulok ng bahay
Baka may tubig na manggaling sa lupa

Sa bawat hapong maulan
Lagi akong nauupo sa gilid ng pintong nakabukas
Isang batang may hawak na libro at magbabasa
Magpapanggap na ligtas at mapayapa
Hanggang sa ako ay mapaniwala
Na ang lahat ay tatahimik at papayapa

Ang relasyon ko sa ulan
Hindi ko nagawang tanggapin at hagkan ng buo
Ito’y may naguumapaw na hinanakit
At binubuo ng isang libong galit
Gayun ma’y hindi ko rin kayang tuluyang iwaksi
Sa kabila ng kanyang lamig at ngitngit
Siya’ sagana sa pagbibigay ng saglit
Upang maging sabik sa yakap at halik
Malunod sa imahinasyon
At malulong sa kalayaang kanyang handog

© Kristel Rose and http://www.kristelrose.wordpress.com, 2016.
—-
The gif used above is by yessheismuslima and was taken from this link.

Tuldok

image

Pagtatapos ng isa na namang kwento
Na nagpabaliktad ng aking mga laman loob
At pumiga sa aking pahinga
Na parang isang manipis na lumang panyo

Ito na naman ay isang lugar na tutuldukan
Para tapusin ang lahat ng pumukaw sa akin
Lalo na sa damdamin at di tiyak na katinuan

Lahat ng pasulong ay may hangganan
Heto na nga’t naririto na
Dito sa laylayan ng mainit na apoy
Ay babalik na muli sa pagkakahimlay
At sa kapayapaan ng kaluluwa

Ang kamatayan ay muling sasalubungin
Hahalikan ko sa pisngi
Pagkat ito’y tatraydurin
Sa muli kong pagmulat
Dahil sa buhay na magbabalik

© Kristel Rose and http://www.kristelrose.wordpress.com, 2016

NaPoWriMo 2016 Entry # 24

Off prompt and late post

image

Bubutingtingin ko ang bawat hibla ng iyong laman
Sisilipin ko ito upang makita ang nilalaman
Isang patalim ay isasaksak sa’yo nang ‘di mo nalalaman
Lumayo ka man ay susundan ka magpakailanman
Hindi ako magsasawang timbangin ka sumpa man

-Pagsubok

© Kristel Rose and http://www.kristelrose.wordpress.com, 2016.

NaPoWriMo 2016 Entry # 23: Sa Gitna ng Kamatayan

image

Another off prompt and late post for NaPoWriMo.
Sa Gitna ng Kamatayan (In the Midst of Death) was written during the time of confusion and desperation to escape from a system of wear and tear. It’s a point in life when I realized that we are living in a system that really kills the ‘human’ in us. The graveyard where we live is not easily seen because we are so engrossed with material things and false symbols of accomplishment that the media has been feeding us ever since. We are so much engrossed that we forget to search for what really satisfies the soul.

NaPoWriMo 2016 Entry # 21

image

Off prompt tagalog poem for day 21.

magumpisa ka
sa isang maliit
na butil ng pag-asa
dahan-dahang lalago
unti-unting lalawak
patungo sa kinabukasan
na nais matamasa
 
hindi madali ang daan
lalo na’t kung patarik
tahakin man ng dahan
binti’y mapapagal pa rin
lalo’t may mga balakid
na tutunaw sa laman
at kung kumitil ay marahan
 
sa pag-pili ng landas
lalo’t yung di lagi tinatahak
marami ang magtatanong
anong nakain mo’t napagtanto
na humakbang pasaliwa
palayo sa dikta ng madla
palayo sa salaping mayabong
 
ang pagpiling ito’y sa kabila
ng lahat ng tanong at agam-agam
pati na rin sa pagdududa
sa sariling mong katinuan
lalo na rin sa pagmamata
ng mga pusong puno ng duda
 
ikaw pa rin ay dapat tumugon
sa tawag ng pag-babago
ipagpatuloy ang pagpapakatao
pagmamahal sa bayan
pagpapayabong sa sarili
at paglilingkod sa kapwa tao
 
© Kristel Rose and http://www.kristelrose.wordpress.com, 2016.