Bibig na nakatikom
Wala namang busal
Nagpipigil
Nanggigigil
Susuka ng mga ugong
Masangsang na mga salita
Lahat ipupukol
Sentro sa gitna
Sa diwa ng pagkatao

Pero bibig ay tikom
Walang busal
Walang takip
May boses
Hindi marinig
Dahil bibig ay tikom
Bawat letrang niluwal ay sukat
Sa itinurong tama at dapat

© Kristel Rose and http://www.kristelrose.wordpress.com, 2017.

Advertisements

Ulan: Isang Pag-ibig na Hindi Matanggap

tumblr_nb7zpxnkwL1rkyrm9o1_500

Isa sa mga pinaka hindi ko gusto
Ang panahon ng tag-ulan
May malakas na hangin
Maitim na langit
Basang sapatos
Bumabalikwas na payong
Ayaw ko ng tag-ulan

Hindi ko man gusto ang ulan
Mas maraming ala-ala ang kanyang kalakip
Isang komedya ng kabalintunaan
Na ‘di ko kailanman lubusang ninais
Ala-ala ng makulimlim na paligid
Anino ng kanyang maiitim na mga ulap
Maliliit na butil ng tubig
Kapag tumama sa ulo’y nagiging batong matulis
Maglalakad sa malamig na baha
Mula sa lawang ibinuhos sa itaas

Kapag tag-ulan, ako’y laging balot
Ng init ng makapag na balabal
Pati na rin ng takot
At ng pagod
Pagkat sa piling ng ulan ako’y laging nakatingala
Nakatingin sa kisame at nagaabang ng mahuhulog
May tabong hawak-hawak, pansalo sa bawat patak
Susulyap rin sa bawat sulok ng bahay
Baka may tubig na manggaling sa lupa

Sa bawat hapong maulan
Lagi akong nauupo sa gilid ng pintong nakabukas
Isang batang may hawak na libro at magbabasa
Magpapanggap na ligtas at mapayapa
Hanggang sa ako ay mapaniwala
Na ang lahat ay tatahimik at papayapa

Ang relasyon ko sa ulan
Hindi ko nagawang tanggapin at hagkan ng buo
Ito’y may naguumapaw na hinanakit
At binubuo ng isang libong galit
Gayun ma’y hindi ko rin kayang tuluyang iwaksi
Sa kabila ng kanyang lamig at ngitngit
Siya’ sagana sa pagbibigay ng saglit
Upang maging sabik sa yakap at halik
Malunod sa imahinasyon
At malulong sa kalayaang kanyang handog

© Kristel Rose and http://www.kristelrose.wordpress.com, 2016.
—-
The gif used above is by yessheismuslima and was taken from this link.